History of Tanato

Alamat ng Tanato

(Birheng Kagubatan)




            Ang barangay TANATO ay isa sa mga bulubunduking lugar na tinaguriang Virgin Forest na pinagyaman ng mga katutubong Ita bago pa man dumating ang mga misyonerong Kastila noong 1570.  Ito ay bahagi lamang ng Barangay Cabog-Cabog noong una.

             Ayon sa matatanda, ang salitang TANATO ay nagmula sa madalas na bukambibig ng mga Ita na Tanato Bayan-Bayanan.  Ito raw marahil ang tawag nila sa lugar na paborito nilang pagdausan ng mga kasayahan.  Naniniwala naman ang ibang mga matatanda na ang salitang Tanato Bayan-bayanan ay simbolo ng kanilang kaugalian at tradisyon.

             Noong dakong 1950, ang mga naninirahan sa TANATO ay binubuo ng sampung pamilyang Ita sa pamumuno ng pinakamatandang kaanib na si Emilio Eno.  Nang dumating ang mga grupo ng Batangueño, Ilokano at Bisaya, unti-unting umalis ang mga katutubong Ita dahil na rin marahil sa kaibahan ng kanilang kultura.  Bagamat naglaan sa mga katutubo ang Kagawaran ng Agrikultura o Department of Agrarian Reform (DAR) sa ilalim ng pamamahala ng dating munisipyo ng Balanga ng pitong (7) ektaryang lupain, hindi ito nakapigil sa kanilang paglisan.

             Ang naturang barangay ay kinilalang isang mataas na lugar na sagana sa iba’t ibang pananim tulad ng saging, kamote, singkamas, bayabas, kasoy, mangga at iba pang bungangkahoy.  Mayaman din ito sa mga hayop na ligaw tulad ng baboyramo, usa, kabayo at sari-saring ibong gubat. Ang karaniwang pinagkukunan ng kabuhayan ng mga naninirahan ditto ay pagsasaka, pagkakaingin, pangangahoy, pag-uuling at pangangaso.

             Taong 1958 nang dumating ang isang pamilya na pinangungunahan ni G. Leonardo Decepida mula sa Batangas.  Taong 1960 naman nang dumating ang iba pang pangkat ng mga Batangueño, Ilokano at Bisaya.  Isa na rito ang kasalukuyang Kapitan ng Barangay na si G. Dominador Ruiz, Jr.  Ayon kay Kapitan Ruiz, ang Tanato Bayan-bayanan tinutukoy noon ay pinangalanang SITIO TANATO.

             Kinilala ang TANATO na isang hiwalay na barangay sa Cabog-Cabog noong 1962.  Ang kanilang piyesta ay ginagawa tuwing ika-30 o huling Linggo ng Enero, petsa nang iproklama ang Barangay TANATO bilang isang hiwalay na barangay sa Cabog-Cabog sa bisa ng pinagtibay na batas na nilagdaan noon ni Kgg. Emilio C. Bernabe  alkalde ng Balanga at G. Honorio Villanueva, kalihim ng Sangguniang Pambayan ng Balanga.

             Nagsimula ang populasyon sa sampu hanggang labing-isang pamilya lamang, umabot sa 115 pamilya noong 1998 at sa kasalukuyan ay tinataya na may 353 pamilya na.